Pinay Ako!

Senting Peyups

 

Ewan ko ba, naisipan kong managalog.Siguro dahil Linggo ng Wika nga pala ngayon, siguro dahil napanood ko sa TV ang paglabas ng diksyunaryong binuo ng UP—kahit na matagal ko na itong nakita sa National Bookstore at di mabili-bili. O siguro, dahil “miss” ko lang talaga ang UP.Nakakatawa, di ‘ko magawang palitan ang salitang “miss” pag Peyups na ang usapan.

Noong nakaraang linggo yata ‘yon, galing sa Ateneo, dumayo pa kami ng kaibigan ko sa UP, tapat ng Kalayaan, para mag-isaw.Matagal ko na rin kasing hanap-hanap ang isaw sa UP. Di naman kasi ako kumakain n’on sa labas ng UP.

*****

Parang gusto kong magtampo kay Prof. Ligaya Tiamson-Rubin.Minsan lang yata ako n’on binigyan ng uno. Hmp! Panay 1.25 at 1.5 na ang binigay niya sa ‘kin sa Fil 25.Nakakayamot! Pakiramdam ko noon, ang ganda ng mga naisulat ko. Pero moderno kasi ang paraan ko ng pagsusulat noon, at ang mga nakaka-uno, pansin ko, mabulaklak ang panulat.

Pero alaala pa rin ng UP ‘yon, at para sa akin, walang masamang alaala pag sa UP ito nabuo.Isa pa, nakabawi naman sa akin ang UP kay Dr. Victoria Bautista.Nakakapudpod ng utak ‘yon pag nagsimula nang magturo sa Filipino.Itinuro niya ang panimulang kurso sa Public Ad sa salitang Filipino.Pero sa kaniya ko unang narinig, na “bangkarote” pala sa Tagalog/Filipino ang “bankrupt.”Ano, bago rin ba sa ‘yo? Akala namin ng Block L1 noon, “lugi” lang ang nangangahulugan ng “bankrupt.”

At siyempre, iba pa rin talaga ang kategoriya ni Sir Saguil.Sa gitna ng kaniyang usok, sa gitna ng kaniyang pagpapakanta sa mga nahuhuli sa klase, sa kabila ng pagbibigay niya ng eksam sa kasagsagan ng bagyo, naaalala ko siya ng may pagmamahal.

Hayup ang mga pagsusulit na napagdaanan namin sa kaniya. Sabagay, halos lahat naman ng eksam na nakuha ko sa loob ng UP, eh hayup. Mula undergrad hanggang masteral, palaki lang ng palaki ang hayup. Pahaba ang buntot, patalas ang pangil.Tama nga ‘yong sinasabi ng isang T-shirt doon sa SC (Shopping Center), “It’s a jungle out there; only the strong survives.”

Mainam nga ‘yon. Sa lahat naman ng masukal na gubat, pag nakalabas ka nang buhay na buhay, mas halang na ang sikmura mo.Mas makakapal ang kalyo kaya mas manhid ang balat.

*****

Gusto kong sumakay ng IKOT at TOKI, magpakahilo sa mga ito. At pumara kung kelan ko gusto.

Gusto kong kumain na naman ng isaw. Isaw baboy, bochi, balunbalunan, isaw manok… Gusto kong magpakalunod sa tamis-anghang ng sawsawan.

Gusto kong makipagpustahan na pumunta sa Lagoon para bosohan ang kapusukan ng gabi.

Gusto kong mahiga sa Sunken Garden at hintayin ang pagbagsak, mula sa matatandang puno, ng mga dati kong kinatatakutang higad.Paismid kong hahamunin ang mga ito na bumagsak sa kinahihigaan ko.

Kasi, mas matapang na ako ngayon, UP.Mas malakas.Mas mayabang, mas makapal ang mukha.

Nakita ko na rin kasi ang kagubatan sa labas, UP.Mas hayup ang mga tao dito sa labas. Pero wala lang ‘yon dahil mas may laya naman ako sa kanila.

Malaya akong nakakaalis, UP. At malaya rin akong bumabalik kapag gusto ko.At kung dating nobyo lang kita, marahil, ikaw lang ang gusto ko laging balik-balikan.

Advertisements
Standard

3 thoughts on “Senting Peyups

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s